HARDINERO, NALIBING NG BUHAY SA KANYANG KUBO

Isang hardinero ang nalibing ng buhay matapos matabunan sa nangyaring landslide habang nasa tinutuluyang kubo sa Tubo, Abra noong Agosto 2, 2022.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, sinabi ni Municipal Disaster Risk Reduction Officer Regina Tayawa na ang pagbuhos ng malakas na ulan at aftershock ng lindol sa lugar ang dahilan ng pagguho ng lupa malapit sa bahay ng biktima bandang 7:53 ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Dario Sario, 59- taong gulang at residente ng Barangay Wayangan, Tubo, Abra.

Samantala, ang isang kasama na si Samuel Agoto ay nagawa pang makaalis sa kubo para humingi agad ng tulong ngunit wala ng buhay si Sario ng marekober.

Ayon sa paglalahad ni Agosto, kakatapos lang nila maghapunan nang nakarinig sila ng tunog ng pagbagsak mula sa labas.

Inaya niya na lumabas ng kubo ngunit dahil sa problema sa paningin ang matanda ay nakulong ito sa loob.

Ang biktima ay pang 11 na naitalang nasawi dahil sa 7.0 magnitude na lindol na yumanig sa hilagang Luzon noong Hulyo 27, 2022.

Kasalukuyang may kabuuang 2,492 aftershocks naman ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Facebook Comments