Harry Roque, Puyat, Sinas, at iba pa, kinasuhan sa ombudsman kaugnay sa paglabag sa quarantine protocol

Sinampahan ng isang governance watch-dog sa Office of the Ombudsman sina Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, dating Philippine National Police Chief Debold Sinas at iba pang government officials dahil sa paglabag sa quarantine protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang nagsampa ng reklamo ay si Pinoy Aksyon convenor Ben Cyrus Ellorin.

Inireklamo ng grupo si Roque dahil sa dalawang okasyon kung saan nilabag umano nito ang quarantine protocols.


Una ay noong July 2020 sa Subic kung saan nag-swimming ito at nagpa-picture kasama ang mga dolphin.

Gayundin ang insidente noong February 2021 kung saan nagkaroon ng public meeting si Roque na hindi nasunod ang social distancing.

Inireklamo naman si Secretary Puyat sa naging pagbiyahe nito kasama ang kaniyang anim na taong gulang na anak sa kabila ng umiiral noon na travel ban sa mga menor de edad.

Si Sinas naman, na nagretiro na noong May 8, 2021, ay inireklamo dahil sa “Mañanita” event o birthday party nito sa loob ng National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa kabila ng pandemya.

Kinasuhan din si San Juan City Mayor “Francis” Manlapit Zamora dahil sa pagbiyahe nito sa Baguio City noong June 2020 na paglabag sa quarantine protocols.

Kabilang din sa isinama sa mga inireklamo ay sina Antique Gov. Rhodora Cadiao, Bukidnon Gov. Jose Maria Zubiri, Abra Gov. Maria Jocelyn V. Bernas, Mayors Gerry B. Natanauan ng Talisay, Batangas; Rolen Paulino Jr. ng Olongapo City; at Ernesto P. Escutin ng Dao, Capiz.

Facebook Comments