Hindi apektado si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon sa hatol na guilty sa kaniya ng Korte Suprema sa kasong gross misconduct.
Ayon kay Gadon, malaki na ang kinikita niya bilang corporate excutive kahit pa noong huminto na siya sa pagharap sa korte simula noong 2014.
Kinwestyon din ni Gadon kung bakit ang Supreme Court (SC) ang nagdesisyon dito gayong ang impeachment case na inihain laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay sa Kamara naman daw inihain.
Sobra-sobra din aniya ang multang ₱150,000 at walang basehan sa jurisprudence.
Naniniwala din ang kalihim na resbak lamang ito sa kaniya ni Justice Marvic Leonen na sinampahan niya ng impeachment case noong 2019.
Samantala, minaliit din ni Gadon ang pagkaka-disbar niya bilang abogado dahil sampung taon na siyang nagretiro sa pag-aabogado.
Iginiit pa nito na wala na umano siyang balak bumalik sa law practice dahil ito’y para sa mga bata lamang.