Tanggap ng mga senador ang hatol ng korte kay retired Army Major General Jovito Palparan dahil sa kasong pagdukot sa mga estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Diin ni Senator Kiko Pangilinan, isa itong patunay na hindi dapat magpadala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at mga nasa gobyerno sa kasamaan o paggawa ng mali.
Ayon kay Pangilinan, malinaw na papanagutin ng ating batas at sistema ng katarungan ang mga lumalabag sa karapatang pantao.
Para naman kay Senator Grace Poe, ang hatol ng korte ay nagbibigay ng tamang mensahe na sinuman ang nagbabalak gumawa ng masama ay magbabayad sa batas.
Masaya naman si Senator JV Ejercito na nabigyan na ngayon ng hustisya ang mga biktima ni Palparan.