Dismayado ang abogado ng Philippine Coastguard sa hatol na guilty ng Manila RTC sa walong opisyal at tauhan ng Coast Guard na nasangkot sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa karagatang sakop ng Batanes noong taong 2013.
Bunga nito, inihayag ni Atty. Rod Moreno, abogado ng walong respondents sa kaso na iaakyat nila sa Court of Appeals ang naging desisyon ng Manila RTC Branch 15.
Ayon kay Atty. Moreno, magsusumite sila ng Notice of Appeals sa CA at ihihirit nilang manatili pa ring malaya pansamantala ang kanyang mga kliyente dahil dumaan naman sila sa lahat ng legal na proseso.
Nanindigan din ang kampo ng mga respondents na kuwestyunable ang mga inilatag na ebidensiya ng NBI na siyang nagsampa ng kaso sa korte.
Partikular aniya ang naging resulta ng forensic examination sa mga baril na ginamit ng tropa ng PCG.
Bukod dito, nangyari aniya ang tinaguriang Balintang Channel incidents sa karagatang sakop ng Pilipinas at malinaw ang ginawang panghihimasok ng Taiwanese fishermen sa teritoryo ng bansa.
Ginawa lamang din aniya ng Coastguard officers ang kanilang tungkulin na protektahan ang bansa mula sa mga dayuhan.