Hazard pay at risk allowance para sa mahigit 16,000 medical frontliners, hindi pa naibibigay

Lumabas sa budget deliberations ng Senado na mayroon pang 16,764 na medical frontliners ang hindi pa rin nakatatanggap ng hazard pay at risk allowance sa ilalim ito ng Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1 na umiral mula nitong Hunyo hanggang Setyembre.

Ayon kay Senator Pia Cayetano na siyang nagdedepensa sa 2021 budget ng Department of Health (DOH), wala ng pondo kaya hindi nabayaran ang nasabing hazard at risk allowance na may kabuuang halaga na P108.3 million.

Sabi ng DOH, sa ilalim ng Bayanihan 1, ay umabot naman sa P842 million ang nai-release para sa hazard pay ng mahigit 58,000 na health workers na regular na empleyado ng gobyerno at mahigit 28,000 na job order employees.


Inihayag din ng DOH na sa ilalim naman ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ay nabayaran ang hazard at special risk allowance ng mga health workers.

Pero binanggit din ng DOH na hindi pa rin naibibigay ang special risk allowance ng mga kawani ng Central at Regional Offices ng DOH.

Ito ay dahil hinihingi pa nila ang legal opinion hinggil dito ng Department of Justice (DOJ), gayundin ng Office of the Solicitor General at ng Department of Budget and Management (DBM).

Facebook Comments