Umabot na sa Metro Manila ang haze na galing pa sa forest fire sa Indonesia.
Ito ay base sa pag-aaral ng National Aeronautics Space Administration o NASA.
Ayon kay Dr. Jeff Reid, Leading Scientist ng U.S. Naval Research Laboratory, makakapal na usok mula Indonesia ang napupunta sa katimugang bahagi ng bansa lalo na sa Sulu Sea.
Dahil sa hanging habagat, tinutulak nito ang usok paakyat hanggang sa umabot na sa Metro Manila.
Umabot din ito sa Cebu at Palawan.
Sa ngayon, sinabi ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) wala pang epekto sa kalakhang Maynila ang haze.
Una nang nagpaalala ang Dept. of Health (DOH) sa mga residenteng nakatira sa mga apektadong lugar na magsuot ng face mask o iwasan munang lumabas ng bahay lalo na ang mga may mahihina o may sakit sa baga.