Ikinadismaya nang husto ng mga senador ang inasal at pag-uutos na ginawa sa kanila ni Philippine Retirement Authority (PRA) Chief Cynthia Lagdameo Carrion hinggil sa pagprayoridad ng pagtalakay sa pondo ng Department of Tourism (DOT) at pagpapatigil sa mga mambabatas na magtanong sa budget ng ibang ahensya.
Galit na tumayo si Senator Jinggoy Estrada sa gitna ng budget deliberation ng DOT sa Senado kung saan attached agency rito ang PRA, at dismayadong inihayag ng senador ang sunud-sunod na mensahe na ipinadala ni Carrion sa mga kasamahang senador kasama na rito si Senate President Juan Miguel Zubiri.
Aniya, sa mga text na natanggap ng mga mambabatas ay mistulang inuutusan sila ni Carrion dahil pinatitigil nito ang mga senador sa pagtatanong at katwiran niya, ala-una pa lang ng hapon ay naghihintay na siya na maisalang sa plenaryo ang budget ng kanilang ahensya.
Ipinaalala ni Estrada kay Carrion na silang mga senador ay alas nuebe pa lang ng umaga ay nagsisimula na sa deliberasyon sa budget ng bawat ahensya at walang karapatan ang opisyal na sabihan silang mga mambabatas na tumigil na sa pagsasalita o diktahan sa kung anong dapat na gawin.
Nagsalita rin si Zubiri at ipinababatid nito sa lahat ng ahensya ng gobyerno na ginagampanan lamang nila ang kanilang constitutional mandate na dinggin at himayin ng husto kung saan gagamitin ang mga pondo.
Iginiit naman ni Senator Risa Hontiveros, na isa rin sa mga nakatanggap ng mensahe ni Carrion, na sa huli ito ay tungkol sa respeto at hindi dapat gumagamit ng “sense of entitlement” ang kahit na sino dahil ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin at mandato.
Humingi naman ng paumanhin si Tourism Secretary Christina Frasco sa mga senador dahil sa nangyari at sisilipin ng ahensya ang naging aksyon ni Carrion sa mga senador.