Kinuwestyon ngayon ni dating National Task Force on COVID-19 Special adviser Dr. Anthony Leachon ang pagbakuna ng Sinopharm vaccine kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa interview ng RMN Manila, binigyang-diin ni Leachon na bilang Pangulo ng bansa, dapat ang itinurok na bakuna sa kanya ay aprubado ng Food and Drug Administration at may Emergency Use Authority dahil sa posibleng adverse effect nito.
Giit ni Leachon, ang pagpayag na gamitin ang Sinopharm kahit hindi ito dumaan sa vaccine expert panel ay isang pagsira o paglabag sa itinakdang guidelines ng FDA.
Bukod dito, patuloy rin aniya ang imbestigasyon sa kontrobersyal na pagpapaturok ng Presidential Security Group ng Sinopharm noong nakaraang taon.
Una nang nilinaw ng FDA na sakop si Pangulong Duterte ng Compassionate Special Permit na kinuha sa kanila ng Sinopharm noong binakunahan ang mga miyembro ng PSG.