Nagpaalala si Preventive Education and Health Reform Advocate Dr. Anthony Leachon kay House Speaker Lord Allan Velasco na unahin ng liderato ng Kamara ang pagsunod sa vaccination plan kesa ang sariling interes.
Ito ang suhestyon ni Leachon sa naging pahayag na prayoridad ang mass vaccination para sa 8,000 mambabatas at kawani ng Kamara sa oras na maging available na ang bakuna laban sa COVID-19.
Payo ni Leachon kay Velasco, dapat alamin muna ng Speaker kay Vaccination Czar Secretary Carlito Galvez kung makakasama ba ang lahat ng mga taga-Kamara sa priority list.
Sinabi kasi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na hindi problema ang funding sa COVID-19 vaccine dahil priority ito ni Speaker Velasco.
Ang mga ganitong mga pronouncement aniya ay magdudulot lamang ng kaguluhan at pambabatikos dahil limitado lamang ang inisyal na dating ng bakuna at kailangan ibigay ito sa mga nasa priority list.
Batay sa isinagawang briefing ng Department of Health (DOH) sa House Committee on People’s Participation, prayoridad na mabakunahan ay ang mga frontline health workers mula sa public at private sector, senior citizens, pinakamahihirap na komunidad, uniformed personnel, mga guro, government workers mula sa national agencies at Local Government Units (LGUs), essential workers na kabilang sa agriculture, food industry, transportation at tourism, Persons with Disabilities (PWDs), mga natitirang work force at mga estudyante.
Nilinaw naman ni Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal, Director ng Bureau of International Health Cooperation ng DOH, na hindi magiging palakasan at paunahan ang pagkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19 kundi pinakauunahin dito ang vulnerable sector.
Aniya, ang pagtanggap din ng bakuna ng mga nasa priority list ay nakadepende din sa availability ng supply ng COVID-19 vaccine.