Health Insurance ng mga piling Manileño, tinututukan

Manila, Philippines – Pinaglaanan ng P200 milyong ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang 27 libong mahihirap na residente ng lungsod para sa kanilang health insurance coverage sa PhilHealth.

Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Nanet Tanyag, inilabas na ang inisyal na P72 milyon mula sa P200 milyon na inaprubahan ng pamahalaang lungsod para sa taong ito para sa PhilHealth premiums at iba pang gastusing medikal ng 1,278 residente na napili mula sa anim na distrito ng lungsod.

Target ng MDSW na mai-enroll sa PhilHealth ang 27,500 residente ngayong 2017.


Kasama rin sa mga magiging benipisaryo ang mga maysakit na Manilenyong nangangailangan ng serbisyo-medikal tulad ng dialysis, chemotherapy, cataract operation at iba pa, dagdag ni Tanyag.

Bilang LGU-sponsored na miyembro ng PhilHealth, makakatanggap ang mga benipisaryo ng kaparehong benefits ng mga regular na miyembro. Umaabot sa 10 milyong mahihirap na PhilHealth members ang nakatala sa Sponsored Program (SP) ng ahensya.

Bukod sa PhilHealth coverage, libre din ang mga mahihirap na Manilenyo sa anim na public hospitals sa Maynila na pinaayos di ng pamahalaang lungsod. Libre din sila sa mga gamot at iba pang gastusin sa ospital.

Facebook Comments