Health Officer ng Tuguegarao City, Tinawag na ‘Dambel’ ni Gov. Mamba

Cauayan City, Isabela- Umakyat na sa kabuuang 310 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City, Cagayan batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Provincial Health Office.

Ayon kay Governor Manuel Mamba, 75 porsyento ng aktibong kaso sa probinsya ay mula sa lungsod.

Kinukwestyon naman ni Mamba kung bakit nananatili pa sa home quarantine ang nasa 139 na aktibong pasyente ngayong maaari namang ipagamit ang mga hotel sa lungsod ng Tuguegarao imbes na manatili sa bahay na maaari pang pagmulan ng hawaan.


Pinasaringan din nito ang kasalukuyang City Health Officer na si Dr. James Guzman kung bakit hindi man lang aniya magawa nito ang magrekomenda ng hakbang para maiwasan ang paglala ng kaso sa siyudad.

Sinabihan rin ng Gobernador na ‘dambel’ si Dr. Guzman dahil sa tila walang pag-aksyon na ginagawa kung kaya’t patuloy ang paglobo ng mga tinatamaan ng kaso ng virus.

Sa panayam naman ng iFM Cauayan kay Dr. James Guzman, nirerespeto nya ang pahayag ni Mamba at kanyang iginiit na hindi basta-basta mangyayari ang paggamit ng mga isolation facility sa mga paaralan sa barangay dahil sinusunod lang nila ang nakasaad sa batayan ng Department of Health.

Nagbabase lang din aniya si Mamba sa bilang ng mga aktibo ng virus at hindi sa iba pang bagay.

Sa huli, sinabi rin ni Guzman na nakaproseso na ang ilang hakbang para magamit naman ang ilang hotel na gagawing isolation facility.

Facebook Comments