Hinimok ng Chairman ng Senate Committee on Health na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang Department of Health, PhilHealth, at iba pang concerned agencies na manatiling nakatutok sa kanilang mandato lalo na sa paglaban sa COVID-19 pandemic sa kabilang ng mga kritisismo.
Ginawa ni Go ang panawagan matapos maglunsad ang Office Of the Ombudsman ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad at anomalya ng ilang opisyal ng DOH sa pagtugon sa krisis.
“The Filipino people deserve a fair and partial investigation. Ngayon, sinabi ni Ombudsman Martires, gusto nilang malaman ang katotohanan. Gusto rin malaman ng taumbayan ang katotohanan,” saad ni Go sa isang panayam, kasabay nang paggiit na may Constitutional duty ang Ombudsman para suriin ang mga naturang alegasyon.
“Wag kayong [DOH] ma-pressure, gawin n’yo lang muna ang inyong trabaho… kung walang itinatago, eh wala kayong dapat ikatakot. Trabaho muna kayo. Labanan muna natin itong COVID-19. Kapag nalampasan natin itong labang ito, taas noo po kayong haharap sa Pilipino na tinalo natin itong COVID-19 lalo na kung wala po kayong ginawang masama,” dagdag pa nito.
Ipinunto din ni Go na nananatili ang buong tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III nang sabihin nitong mahirap palitan ang pinuno ng DOH ngayong patuloy na nakikipag-sagupa ang bansa sa hindi nakikitang kalaban-ang COVID-19.
“Base po sa narinig at binabanggit n’ya sa publiko nung mga nakaraang araw, eh nandyan pa ang tiwala ng Pangulo kay Secretary Duque. Pangalawa, ayaw rin po mapalitan ni Pangulo si Secretary Duque sa gitna ng laban bagama’t alam n’ya po na may pagkukulang talaga ‘yung departamento, maraming pagkukulang, kaya nga po pinatulungan na n’ya sa mga iba’t ibang retired military officials na nasa Gabinete po ngayon,” dagdag pa ni Go na inaatasan ang buong gobyerno na tulungan ang DOH sa pagsugpo sa krisis.
“Hindi po talaga kakayanin ng DOH o ng PhilHealth lang (mag-isa) talaga, undermanned na po sila. Kulang na po ang kanilang mga tao eh, itong gyerang ito hindi natin nakikita ang kalaban. Itong mga dating military (officials), sanay po ito sa digmaan kaya pinatulungan na po n’ya ang ating mga opisyal sa DOH through the help of different agencies,” dagdag pa nito.
Nang tanungin naman kung ano ang mga pagbabago na ipinatutupad ng pamahalaan para sa pagkakaloob ng universal health care coverage, nangako ang senador na patuloy niyang itutulak ang full implementation ng Universal Health Care Law kasabay nang pakiusap sa concerned government officials na itigil na muna ang bangayan nang sa gayun ay matutukan ang mga mas mahahalagang bagay.
“Magtulungan po tayo malampasan ang krisis na ito. Hindi po nakakatulong ang hindi pagkakaunawaan. Patuloy ang pagkalat ng sakit, huwag niyo na dagdagan ng sakit ng sama ng loob sa isa’t isa,” giit nito.
Una nang hiniling ni PhilHealth President Ricardo Morales ang pag-antala sa implementasyon ng naturang batas dahil sa bumababang kita ng health insurance agency.
Gayunman, ay isinulong ng Palasyo ng Malakanyang ang panawagan Go at ng iba pang senador at mga mambabatas na dapat ay ipatupad ng tama ang UHC law lalo pat’ nasa gitna ng health crisis ang bansa.
“[H]indi po ako papayag na hindi maimplementa ng maayos ‘yung Universal Health Care Law, hindi lang naman po COVID-19 ang covered ng PhilHealth. Kasama na rin po dyan ang ibang sakit at iba pang pangangailangan para sa lahat. Dapat maimplementa po ito ng maayos at hindi po dapat maantala lalong-lalo na po mayroon tayong kinakaharap na COVID-19,” saad pa nito.
Inihayag ng senador ang kanyang suporta sa PhilHealth at nangakong itutulak ang mas mataas na pondo kung kinakailangan pasa sa ahensiya.Gayunman, nilinaw nito na sinasang-ayunan niya ang mga panawagan para imbestigahan ang umano’y korapsiyon sa loob ng ahensiya sa pagsasabing “Ipaglalaban ko ang pondo ng PhilHealth, pero ni piso ipaglaban n’yo rin ang pondong hawak ninyo. Walang dapat masasayang.”
“Managot ang dapat managot kahit na magkasama tayo sa gobyerno at magkaibigan tayo. Kung ano lang po ang tama. ’Yan po ang pinagbibilin parati ni Pangulo — Do what is right,”
Idinagdag pa nito “karapatan ng bawat Pilipino malaman ang katotohanan.”
Hiniling din ni Go sa Ombudsman at Commission on Audit na suriin ng mabuti ang mga alegasyon na ipinupukol laban sa PhilHealth.
Sinabi rin nito na inaasahan niyang lilinisin ni Morales ang ahensya sa diumano’y mga corrupt officials.
Ayon kay Go, nakapaloob sa UHC Law ang kinakailangang reporma sa Philippine health system at tutugon sa kakulangan ng access ng taumbayan sa essential quality health care services. Tinitiyak din niya sa mga Filipino na makakaasa sila sa gobyerno para sa financial at medical assistance sa gitna pandemic.
Sa pamamagitan naman ng 71 Malasakit Centers na matatagpuan sa mga public hospitals sa buong bansa, mabilis na matatamasa ng nga pasyente ang tulong mula sa iba’t-ibang government agencies, tulad ng DOH, Philippine Charity Sweepstakes Office at Department of Social Welfare and Development, maliban pa ito sa serbisyo na ipinagkakaloob ng PhilHealth. Si Go ang primary proponent at principal author ng Republic Act 11463, ang batas na nag- institutionalized sa Malasakit Center initiative.