Naging matumal ang biyahe ngayong araw ng mga traditional jeepney.
Gayunman, ayon kay Tony Santos na halos 15 taon ng jeepney driver, walang problema kung matumal ang pasahero kumpara sa dati na apat na buwang nakatengga.
Dagdag pa ni Mang Tony, lugi ang kanilang biyahe dahil ang kikitain ay tama lamang pambili ng krudo sa maghapon, habang ang boundary ay nanganganib na hindi makuha kaya ang apela sa pamahalaan ay fuel subsidy.
Samantala, sa Quezon Avenue jeepney terminal na may rutang Quezon Avenue-Sta Mesa Manila, labis ang kagalakan ng ilang jeepney driver dahil nakabalik na sila sa paghahanapbuhay.
Dahil balik-pasada na sila, maingat din nilang ipinatutupad ang mga safety protocols para maiwasan ang pagkahawa ng COVID-19.
Bago sumakay ang pasahero, kukunan muna ito ng body temperature, lalagyan ng alcohol ang mga kamay at tinitiyak na nakasuot ng face mask.
Magbabayad muna bago umakyat ng jeepney, habang mayroong plastic cover sa pagitan ng bawat pasahero.
Bawal sumakay ng jeepney ang mga edad 21 pababa at 60 pataas.