Nilinaw ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi pa rin dapat mag-relax o isawalang bahala ang mga health protocols kahit pa ilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang ilang bahagi ng bansa.
Ito ang sinabi Lopez matapos niyang irekomenda na ibaba na sa MGCQ ang Metro Manila.
Sa ilalim ng MGCQ guidelines, magbubukas na ang ilang turismo, mass transportation at iba pang venue pero nasa 50 percent pa rin ang kapasidad nito.
Ipinaliwanag pa ni Lopez na sa loob ng anim na buwang pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic, alam na ng pamahalaan ang mga paraan para mapigilan ang paglaganap ng virus.
Samantala, umapela ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa pamahalaan na payagan ng mag-operate ang 80% capacity ng mga pampublikong transportasyon.
Ito’y para bahagyang makabawi ang ekonomiya at maging maayos na rin ang biyahe ng mga empleyado.
Iginiit ng PCCI na mahigpit pa ring paiiralin ang ilang safety protocols tulad ng pagbabawal kumain, makipag-usap at pagsagot sa mga cellphone sa mga pampublikong transportasyon.