Ipagpapatuloy ni Quezon Rep. Keith Micah “Atty. Mike” Tan ang mga panukalang batas kaugnay sa health reforms.
Sa unang araw pa lang ng paghahain ng mga panukalang batas sa Kamara ay limang panukala na patungkol sa reporma sa pangkalusugan ang isinumite ng kongresista sa Bills and Index Division.
Ilan sa mga inihain nitong panukala para sa health reforms ay ang paglikha ng Center for Disease Prevention and Control (CDC), pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP), Philippine Health Security Act, Health Procurement and Stockpiling Act at Medical Reserve Corps Act.
Ang mga nabanggit na panukala ay nabitin matapos na aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa pero hindi naman ito umusad sa Senado.
Dagdag pa sa mga inihain ni Tan ang pagbibigay kapangyarihan sa Department of Health (DOH) na magaapruba sa dagdag na bed capacity sa mga ospital para sa pagpapabuti ng health services at ang pagpapalawak sa coverage ng immunization program gayundin ang institutionalization ng National E-Health System.