Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na magpaliwanag kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin.
Kasunod ito ng pahayag ni Locsin na “somebody dropped the ball” kaya hindi natuloy ang pagdating sa bansa sa Enero ng susunod na taon ng 10 milyong doses ng COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, siya mismo ang nag-ungkat ng isyung ito sa Pangulo dahil na rin sa magkaibang pahayag ng dalawang gabinete.
Aniya, emosyonal na nagpaliwanag si Duque sa Pangulo hinggil sa isyu.
Naniniwala naman si Roque na hindi makakaapekto kung mayroon mang away ang dalawang gabinete sa gagawing pagkuha ng supply ng bakuna sa Pfizer o sa alinmang manufacturer dahil si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. lamang ang inatasan ng Pangulo para dito.