Kailangang ma-reappoint si Health Secretary Teodoro Herbosa ni Pangulong Bongbong Marcos para maipagpatuloy ang talakayan ng Commission on Appointments (CA) hinggil sa ad interim appointment ng naturang kalihim.
Kahapon ay bigong makumpirma ng makapangyarihang CA ang ad interim appointment ni Herbosa dahil sa mga mambabatas na nakalinya pang magtatanong at sa kawalan ng oras.
Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na na-bypass nga si Herbosa pero maaari namang ipagpatuloy ang pagsalang ng kalihim sa CA sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre.
Sinabi naman ni Senator Christopher “Bong” Go, Chairperson ng CA-Committee on Health, na kailangang ma-reappoint si Herbosa ni Pangulong Marcos dahil ang kanyang ad interim appointment ay magla-lapse na kapag nagsara ang Kongreso na nakatakda na sa September 30.
Samantala, umaapela naman ang Alliance of Health Workers (AHW) sa CA na ibasura nang tuluyan ang appointment ni Herbosa bilang kalihim ng Department of Health (DOH).
Giit dito ni AHW National President Robert Mendoza, hindi nila nakitaan ng pagbabago ang departamento sa ilalim ng pamumuno ni Herbosa lalo na sa sitwasyon ng health workers na nananatili pa ring overworked at underpaid at hindi pa rin naibibigay ang health emergency allowance.
Dagdag dito, dismayado rin ang health workers sa kabiguan ni Herbosa na depensahan ang napakalaking tinapyas na budget sa DOH sa 2024 partikular ang budget cut na ginawa ng DBM sa DOH hospitals at sa specialty hospitals.