Inihain ngayon sa Senado ang Senate Resolution No. 362 na humihiling ng agarang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III dahil sa palpak umano nitong pamumuno sa Department of Health (DOH).
Nagkasaad din sa resolusyon na nagkaroon ng kapabayaan si Duque at hindi naging epektibo ang pagtupad sa tungkulin.
Binigyang diin sa resolusyon na ang nabanggit na mga pagkukulang ni Duque ay nagresulta sa mahinang plano para sa COVID-19 crisis, kawalan ng transparency at misguided o pabago bagong mga polisiya.
Iginiit sa resolusyon na ito ang dahilan kaya nalalagay ngayon sa panganib ang buhay ng mga healthcare workers sa bansa, mga frontliners at mamamayang Pilipino.
Ang resolusyon ay inihain ng nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senators Ralph Recto, Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Manny Pacquiao, Win Gatchalian, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Bato Dela Rosa, Imee Marcos, Lito Lapid, Bong Revilla, at Panfilo “Ping” Lacson.