Pinayuhan ni Marikina Rep. Stella Quimbo si Health Secretary Francisco Duque III na magmuni-muni muna sa gitna na rin ng panawagan ng mga taga-oposisyon na magbitiw na ang kalihim sa pwesto.
Matatandaang ipinanawagan ng Makabayan bloc sa Kamara na mag-resign na si Duque matapos ang panibago na namang kontrobersyal na kinasangkutan ng Department of Health (DOH) kaugnay sa P67.32 billion na deficiency ng ahensya sa COVID-19 response batay sa 2020 Commission on Audit (COA) report.
Ayon sa Deputy Minority Leader, mainam kung pag-iisipang mabuti ni Duque kung epektibo pa ba siya bilang kalihim ng DOH.
Dapat aniyang mag-reflect si Duque kung siya ba ay aalis o mananatili pa rin sa ahensya.
Aniya pa, kung sa tingin ni Duque na hindi na siya epektibong DOH secretary ay makabubuting umalis na ang kalihim at magmove-on na.
Paglilinaw naman ni Quimbo, batid niya na mahirap ang trabaho ng isang DOH secretary lalo ngayong may pandemya ngunit ipinunto ng lady solon na 16 na buwan na ang nakalipas na nasa ilalim ng krisis ang bansa, kaya naman maaaring itanong na ni Duque sa kaniyang sarili kung kaya pa ba niyang itawid ang kaniyang trabaho sa mga susunod na buwan.