*Cauayan City, Isabela- *Mabibigyan na ng Special Risk Allowance (SRA) at Active Hazard Duty Pay (AHDP) ang mga health workers na nagtatrabaho sa probinsya ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Dr Edwin Galapon, provincial health officer ng Department of Health (DOH), naaprubahan na ng Provincial Health Board (PHB) ang P15-milyong pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa mga health worker.
Nilinaw ni Dr. Galapon na tanging ang mga health workers lamang na may direktang pakikisalamuha sa mga COVID-19 patients ang mabebenipisyuhan sa ilalim ng Bayanihan 2 Fund.
Ang bawat isang health worker ay makakatanggap ng P5,000.00 na risk allowance at P3,000.00 na hazard pay para sa buwan ng September 15 hanggang December 15, 2020.
Ayon pa kay Dr. Galapon, tinatayang aabot sa 703 na mga health workers ang mabibigyan ng AHDP habang sa SRA ay tutukuyin pa batay sa guidelines ng DOH.