Health worker, sinabuyan ng bleach sa mukha dahil inakalang may COVID-19

Courtesy Earl Sunday Perez

TACURONG, SULTAN KUDARAT – Mariing kinondena ng pamunuan ng St. Louis Hospital ang pangha-harass sa isa nilang empleyado na sinabuyan ng bleach sa mukha dahil sa pag-aakalang mayroon siyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kuwento ng biktimang si Ritchie Estabillo, papasok na siya sa trabaho nang maisipang pumunta sa isang tindahan sa President Quirino Avenue upang bumili ng kaniyang baon.

Paalis na raw siya nang biglang pagtripan ng limang lalaki at sabuyan ng bleach.


Tinamaan ang mata ng frontliner pero nagawa niya pang magmaneho patungo sa ospital para ipagamot ang tinamong injury.

Ligtas na ang kalagayan ni Estabillo makaraang bigyan ng antibiotic eye drops.

Maari raw na pinandirihan ang frontliner matapos mapansin ng mga suspek ang suot niyang unimporme para sa mga staff ng nasabing pagamutan.

Ibinahagi ng kasamahan niyang si Earl Sunday Perez ang kalunos-lunos na insidente sa social media noong Biyernes na kaagad din nag-viral.

Hindi naman palalagpasin ng St. Louis Hospital ang diskriminasyong naranasan ni Estabillo.

“Our personnel is a breadwinner, as many of our frontliners are, who in the present pandemonium, chose to bravely continue their duties to the community. They remained unfazed by the discrimination that healthcare workers now face on a daily basis.”

“We demand justice for our healthcare personnel. He heeded the call of duty when others would not. As we remain steadfast in the service of the community, we likewise shall show resilience in this pursuit of justice. We believe that justice will prevail and we will hold those accountable to the full extent of the law,” pahayag pa ng pamunuan.

Iniimbestigahan na ngayon ng lokal na pamahalaan at pulisya ang nangyaring pag-atake.

Nakapagtala ng dalawang PUI at 166 PUM sa nasabing probinsiya, ayon sa huling datos ng Department of Health (DOH).

Ipinatupad na rin sa lugar ang enhanced community quarantine at curfew mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-singko ng madaling araw.

Facebook Comments