Makatatanggap ng karagdagang benepisyo ang mga health workers na nasa frontlines na lumalaban sa COVID-19 pandemic.
Ito ay base sa dalawang direktibang inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una ay ang nilagdaan ng Pangulo na Administrative Order no. 35 na nagbibigay ng active hazard duty pay na hanggang ₱3,000 kada buwan sa frontline health workers sa public sector sa ilalim ng state of national emergency.
Ang private and public health workers na nagkaroon ng contact sa mga pasyenteng may COVID-19 ay makatatanggap ng buwanang COVID-19 special risk allowance na hanggang ₱5,000 sa ilalim ng hiwalay na Administrative Order No. 36 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang dalawang bagong benepisyo para sa health frontliners ay popondohan sa ilalim ng ₱13.5 billion allocation para sa health-related responses para sa COVID-19 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.
Sa ilalim ng AO 36, nagbigay ng go signal ang Pangulo sa mga government agencies at local government units (LGU) na magbigay ng monthly COVID-19 special risk allowance sa public at private health workers na direktang nagbibigay ng treatment sa mga coronavirus patients. Exempted din ang benepisyo mula sa income tax.
Sakop ng COVID-19 special risk allowance ang public health workers na regular, contractual o casual positions na nakatalaga sa mga ospital at iba pang medical facilities, na nagbibigay ng critical at urgent health care services at pisikal na nakakapasok sa trabaho.
Sakop din ang mga private health workers na nakatalaga sa COVID-19 hospitals, laboratories o medical at quarantine facilities.
Sa isa pang administrative order, ang medical workers at iba pang personnel sa public sector na may kinalaman sa national health care response ay mabibigyan din ng active hazard duty pay.
Ang COVID special risk allowance at active hazard duty pay ay pro-rated base sa bilang ng araw ng frontliners na nakapasok sa kanilang trabaho sa isang buwan.