Health workers ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, walang planong sumama sa mga nagbabanta ng mass resignation

Walang plano ang mga health worker ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital na sumama sa mga nagbabanta ng mass resignation.

Ito’y sa kabila ng usapin ng benepisyo at kontrobersiya sa Department of Health (DOH).

Ayon sa pangulo ng samahan ng mga manggagawa ng nasabing ospital na si Dra. Margarita Esquivel, walang mga nagbabanta ng pagbibitiw sa kanilang hanay.


Ito’y kahit pa nasa 30 percent lamang ng benepisyo ang natatanggap nila, kabilang na rito ang allowance para sa pagkain, transportasyon at lodging.

Iginiit ni Esquivel na normal naman sa isang katulad niya at ng ibang mga health care worker na magreklamo at maglabas ng saloobin sa gitna ng hirap ngayong may COVID-19 pandemic pero walang nagpaplano na mag-resign sa kanilang trabaho.

Bukod dito, ipinagpapasalamat na lamang ng mga manggagawa ng Fabella ang atensyong naibibigay sa kalagayan nila at umaasang matutugunan na ang mga usapin lalo na sa pondo.

Sa kasalukuyan, nasa 67 emplyado ng nasabing hospital ang nahawaan na ng COVID-19 kung saan karamihan sa kanila ay mga nagtatrabaho sa opisina.

Facebook Comments