Personal na umaapela si House Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan sa mga health workers na ikonsidera ang pagpapabakuna para sa dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.
Ayon kay Tan, na isa ring doktor, nauunawaan niya ang personal apprehensions o pangamba ng mga health workers.
Magkagayunman, hinihikayat ni Tan ang mga health workers na kunin ang oportunidad kung anuman ang available na COVID-19 vaccine para sa dagdag na proteksyon.
Sa halip kasi aniya na papasok araw-araw sa mga ospital at health facilities na laging nag-aalala, mainam na may dagdag panlaban ang mga health workers laban sa virus.
Hinihimok din ng kongresista ang mga medical frontliners na basahin at aralin ang mga naisapublikong data kaugnay sa CoronaVac.
Paglilinaw naman ni Tan, igagalang pa rin ang desisyon ng mga health workers kung talagang aayaw o tatanggi ang mga ito na magpabakuna.