Iminungkahi ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na sumundo na ng mga healthcare workers mula sa mga lugar may mababang transmission ng COVID-19.
Sa harap ito ng problema ng kakulangan sa mga healthcare workers sa NCR Plus dahil na rin sa dami ng mga pasyenteng na-a-admit ngayon sa mga ospital.
“Totoong may kama, pero wala nang personnel, wala nang healthcare workers kasi ang dami na ngayong may sakit,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“Sobra na sila… more than a year na silang walang pahinga.”
Pero ayon kay Robredo, dapat na maging boluntaryo ang pagkuha ng mga healthcare worker sa ibang lugar at dapat silang pasahurin nang angkop sa kanilang sakripisyo.
“Sumundo na tayo, pero voluntary, ng mga healthcare workers sa mga lugar na may mababang transmission pero mag-offer ng packages na commensurate sa sakripisyo nila,” saad niya.
Samantala, nasa 51 ospital at healthcare facilities sa Metro Manila ang nasa critical level na habang 23 ang high-risk kung saan nasa 70% to 85% na ang kanilang bed occupancy rate.