Heightened alert status, itataas ng Bureau of Fire Protection sa lahat ng fire stations sa bansa simula bukas hanggang November 2

Manila, Philippines – Simula bukas, itataas na ng Bureau of Fire Protection ang heightened alert status sa lahat ng fire stations sa buong bansa na tatagal hanggang Nobyembre 2.

Ang nasabing hakbang ay ginawa alinsunod sa direktiba ni DILG Officer-in-Charge Catalino Cuy na layong gawing fire-free ang paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre.

Inatasan din ni Cuy ang pamunuan ng BFP na magsagawa na ng fire safety inspections sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng tao sa Undas tulad ng transport stations at terminals mapalupa man o mapahimpapawid, maging sa marine public transportation facilities, mga pantalan , mortuary chapels, columbaria, at mga pampubliko at pribadong sementeryo.


Maging ang mga ambulansya at iba pang emergency medical teams mula sa Bureau of Fire and Protection ay ide-deploy din sa mga public places at iba pang istratehiyang lugar upang mapabilis ang pagtugon sa panahon na magkaroon ng sunog at iba pang emergency na pangangailangan.

Sinabi pa ni Cuy, maging abala din ang mga tauhan ng BFP sa information drive campaign sa iba’t ibang areas, tulad ng pamamahagi ng mga flyers tungkol sa fire safety tips, at pagpapaalala tungkol sa pag-iingat sa sunog gamit ang public address system sa mga pampubliko at pribadong sementeryo.

Facebook Comments