Nanindigan ang mga Higher Education Institutions (HEIs) hinggil sa isyu ng pagdagsa ng mga banyagang mag-aaral, partikular ang mga estudyanteng Tsino sa lungsod ng Tuguegarao sa probinsiya ng Cagayan.
Ayon kay Dr. Jeremy Godofredo Morales, Focal Person for Foreign Relation ng Saint Paul University Philippines (SPUP), ang kanilang mga foreign student mula sa China, Korea, Japan, Timor Leste, Indonesia, Vietnam, India, Nigeria, at America ay mga totoong estudyante na nag-aaral ng iba’t ibang kurso katulad nursing, civil engineering, at graduate school.
Kanya ring iginiit na nakipag-ugnayan sila sa hanay ng kapulisan, kasundaluhan maging sa National Intelligence Agencies (NIA) upang matukoy kung mayroong kinasasangkutang iligal o krimen ang mga estudyante na kanilang tinatanggap sa unibersidad.
Sinabi naman ni Rev. Macwayne Maniwang, Presidente ng University of Saint Louis Tuguegarao (USLT) na hindi dapat ituring at gawing pangkalahatan ang pagtrato sa isang lahi.
Aniya, ang pagkakaroon ng foreign students sa kanilang institusyon ay isa sa mga hakbang na matagal nilang tinutukan upang maisakatuparan.
Ayon naman kay Dr. Esther Susan Perez-Mari, Presidente ng University of Cagayan Valley (UCV), tinututukan ng kanilang hanay ang aplikasyon nila para sa internationalization program bilang bahagi ng kanilang road map.
Dagdag pa rito, kanyang sinabi na wala aniyang lugar ang diskriminasyon sa ganitong hakbang ng gobyerno dahil ang pangunahing mandato at hangarin lamang ng mga unibersidad ay makapag-alok ng dekalidad na edukasyon para sa mga nais na matuto at mag-aral sa bansa.