Heneral ng NCRPO na nanghablot ng cellphone ng reporter, muling na-promote sa pwesto

Makaraang ma-promote noong nakaraang linggo, muli na namang na promote ang opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nanghablot ng cellphone ng TV reporter noong Traslacion 2020.

Sa bagong reshuffle, itinalaga ni Philippine National Police (PNP) Chief Archie Gamboa si Police Brigadier General Nolasco Bathan bilang bagong Deputy Regional Director for Administration (DRDA) na ikalawa sa pinakamataas na pwesto sa NCRPO.

Papalit naman kay Bathan bilang Deputy Regional Director for Operations si Police Brigadier General Florendo Quibuyen.


Si Bathan ay dating Southern Police District Director na itinalaga bilang NCRPO Deputy Regional Director for Operation at ngayon ay bagong DRDA sa loob lamang ng dalawang linggo.

Itinalaga naman ni Gamboa si Police Brigadier General Herminio Tadeo Jr. na bagong director ng PNP Health Service.

Si Police Colonel Steve Ludan naman ay itinalagang Acting Executive Officer ng Directorate for Research and Development (DRD).

Epektibo ang balasahan ngayong araw, February 14.

Facebook Comments