Manila, Philippines – Nagtakbuhan ang mga may-ari ng tindahan ng pagkain na tinaguriang hepa lane sa University Belt Area sa Maynila nang dumating ang mga tauhan ng clearing team ng Manila City Hall.
Kanya kanyang pulasan, ang iba nagawa pang magbitbit ng ilang gamit pero marami ang nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Department of Public Services.
Ikinasa ng ang clearing operations sa may 200 pwesto ng mga kainan sa R.Papa St. at Morayta matapos bumagsak sa Sanitation Code of the Philippines ang mga tindahan ng pagkain sa isinagawang inspeksyon ng Sanitation Division ng Manila City Hall.
Nakabuyangyang lang kasi ang mga pagkain, walang takip, walang malinis na kuhanan ng tubig at lutuan, at kumakalat na ang sebo sa kalsada.
Ayon sa Manila Health Department, binansagang hepa lane ang mga nasabing kainan dahil may mga estudyanteng nagreklamo matapos magka-hepatitis.
Umalma naman ang mga may-ari ng pwesto dahil wala na silang ikabubuhay.
Nakiusap sila na payagan muling magtinda sabay pangako na lilinisin na nila ang kanilang mga pwesto.
Maging ang mga estudyante ay nalungkot dahil wala na umano silang makakainan ng murang pagkain.