Cauayan City, Isabela- Normal at walang naramdamang adverse effect sa katawan ang Duktor na kauna-unahang tao sa rehiyon dos na nabigyan ng COVID-19 vaccine.
Ito ang ibinahagi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya matapos ang ginawang pagbabakuna sa rehiyon na nagsimula lamang kahapon, Marso 7, 2021.
Ganap na alas otso ng umaga kahapon nang siya’y mabakunahan ng 1ml ng Sinovac matapos ang pagsailalim nito sa ilang mga proseso at ibibigay lamang ang ikalawang dose pagkatapos ng 28 araw.
Kanyang sinabi na boluntaryo itong maunang turukan ng bakuna upang maipakita sa mga kasamahan at sa publiko na kumpiyansa itong ligtas ang ituturok na bakuna.
Tanging ang naramdaman lamang umano ng Hepe ay saya at kumpiyansa sa sarili.
Hindi na rin inisip ng Duktor ang uri ng bakuna na ituturok sa kanya dahil mas mahalaga pa rin aniya ang maibibigay na proteksyon sa sarili.
Muli nitong iginiit ang kahalagahan ng bakuna para sa isang indibidwal lalo na sa mga may mataas na exposure sa COVID-19 na kinakailangan lamang magtiwala at alisin ang takot sa bakuna.
Ang bakuna ay napakahalaga aniya para sa lahat upang magkaroon ng proteksyon sa sarili at matulungan ang gobyerno sa layuning masugpo ang COVID-19.
Nilinaw naman ng Hepe na kahit naturukan na ng bakuna ang isang manggagamot o medical worker ay kinakailangan pa rin na sumunod sa mga protocols, magsusuot pa rin ng PPEs’ ang mga health workers at hindi pa rin aniya mawawala ang pagsunod sa minimum health standards.
Ang CVMC ay isa sa mga pilot hospitals sa rehiyon na nag-umpisa ng pagbabakuna matapos dumating ang 10,640 vials ng Coronavac mula sa China na ipinadala ng gobyerno sa Cagayan Valley-CHD noong ika-5 ng Marso.