Iniimbestigahan na ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police kung ano ang dahilan ni P/Lt. Fernando Calabria Jr. ng Calbayog City Police para humingi sa Calbayog Regional Trial Court ng listahan ng mga abogadong kumakatawan sa mga personalidad na may kaugnayan umano sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, batay sa inisyal na imbestigasyon may ginagawang report si Calabria kaugnay sa communist insurgency situation sa kanilang area of responsibility.
Na-pressure umano si Calabria kaya nagawa ang ganung hakbang na paglabag sa kanilang polisiya sa PNP.
Kaya matapos ang ginawang konsultasyon ni Eleazar kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas ay pinagutos nito ang pagsibak kay Calabria sa puwesto bilang pinuno ng Intelligence Unit ng Calbayog City Police Office.