Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Kawit Municipal Police Station (MPS) sa Cavite matapos silang matakasan ng tatlong preso kahapon ng hapon.
Batay sa utos ni Police Brigadier General Eliseo Cruz, ang Regional Director ng Philippine National Police (PNP) Region IV-A (Calabarzon), inilipat na sa regional headquarters si Police Major Joel Celestino Palmares at Police Staff Sergeant Ryan Pascua de Guzman ang jailer nang mangyari ang jailbreak.
Sa ulat pa ng Cavite Police Provincial Office (PPO), alas-6:30 kagabi nang nag-inspection si Sgt. De Guzman sa Kawit custodial facility sa Brgy. Potol nang napansin na nasira ang padlock ng kulungan at wala na ang tatlong preso rito.
Ang tatlong nawala ay sina Tristan Antonio, 19-anyos na may kasong theft, ang 22-anyos na si Jonjon Esquillo Cortesano Portez na may kasong kinalaman sa iligal na droga at si Rhino Reyes na 27-anyos at may kasong carnapping na agad din namang naaresto.
Sa kasalukuyan, ang Deputy Chief of Police na si Police Inspector Mark Atienza Englatera ang Officer-in-Charge (OIC) ng Kawit MPS.
Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawa pang tumakas na preso.