Hepe ng Navotas City Police, sibak sa pwesto

Tinanggal na sa pwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director PBGen. Melencio Nartatez ang hepe ng Navotas City Police na si PCol. Allan Umipig.

Kaugnay ito sa isyu ng command responsibility hinggil sa operasyon ng kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar kamakailan.

Bukod kay Umipig, sibak din sa pwesto ang hepe ng station investigation section ng Navotas Police na si Capt. Juanito Arabejo at Chief Clerk na si Chief Master Sgt. Aurelito Galvez.


Bunsod ito sa kabiguan nila na magsumite ng paraffin test at hindi paghahanap at pagpreserba sa mga ebidensya.

Matatandaang kahapon, inirekomenda na ng Phillipine National Police (PNP) Internal Affairs Service (IAS) kay Nartatez ang pagsibak kay Umipig dahil sa tangkang cover up.

Nadiskubre kasi sa imbestigasyon ng PNP IAS na inutusan umano ni Umipig ang team leader na tanggalin sa kanilang report ang 11 pulis na kasama sa operasyon.

Dahil dito, ipinag-utos ni IAS Inspector general Atty. Alfegar Triambulo ang pagsasamapa ng kasong dishonesty at command responsibility laban kay Umipig.

Facebook Comments