Tinanggal na sa pwesto ang chief of police of Rodriguez, Rizal at 19 iba pang pulis.
Kinumpirma ito ni Police Brigadier General Edgard Carranza, hepe ng Police Regional Office 4-A makaraang masawi ang 3 taong gulang na babae sa buy-bust operation noong Sabado, June 29.
Si Police Lieutenant Colonel Resty Damaso at 14 niyang mga tauhan, gayundin ang 6 na pulis mula sa Provincial Intelligence Unit ay ililipat muna sa administrative office and holding unit ng Rizal Provincial Police Office.
Iniutos na rin ni Carranza na isuko ang mga baril ng mga pulis para sumailalim sa ballistic test para malaman kung sino ang nakabaril kay Kateleen Myca Ulpina, na anak ng drug suspect na si Renato Ulpina.
Aniya ang Calabarzon Regional Investigation and Detective Management Division ang mangunguna sa imbestigasyon sa kaso.
Matatandaan na bukod sa suspek at sa drug suspek na nasawi, patay din ang pulis na si Police Senior Master Sergeant Conrado Cabiga.