Tiniyak ng Department of Health (DOH) na kakayanin ng Pilipinas na makamit ang herd immunity ngayong taon laban sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 kung sapat ang suplay ng bakuna.
Sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na maraming aspeto ng vaccination plan ang nailatag ng DOH at pamahalaan sa kabuuang para makapagsimulang magbakuna sa Pebrero sa taong ito.
Aniya, base sa isinasagawang negosasyon sa lahat ng vaccine manufacturers, maaaring mapabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino.
Una nang sinabi ni National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na umabot sa 80 percent ng bakuna ang nabili ng mayayamang bansa.
Pero tiniyak ni Galvez na gumagawa ng pamamaraan ang pamahalaan upang makabili sa natitirang suplay ng bakuna.