Sa social media idinaan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang hinihiling nitong tulong pinansyal para sa 2020 Summer Olympics sa Tokyo, Japan.
Aniya, para ito maisakatuparan ang pangarap niyang makapag-uwi ng gintong medalya sa Pilipinas.
Naging matunog sa larangan ng palakasan si Diaz matapos makapag-uwi ng silver medal noong 2016 Summer Olympic sa Rio de Janeiro, Brazil.
“[Is it] okay to ask sponsorship sa mga private companies towards Tokyo 2020? Hirap na hirap na ko, I need financial support,” sabi niya sa kanyang Instagram story, Lunes.
Aminado naman ang Olympian na nahihiya siya sa paghingi ng tulong.
“Sa tingin niyo okay lang kaya, nahihiya kasi ako pero try ko kapalan mukha ko para sa minimithi kong pangarap para sa atin bansa na maiuwi ang Gold Medal sa Olympics.”
Nakaraang buwan lamang, inanunsyo ni Diaz sa Twitter na pang-lima ang kanyang ranggo sa Olympic qualifying.
Samantala, itinanggi naman ng Philippine Sports Commission (PSC) na mayroong kakulangan sa natatanggap na suporta ni Diaz sa gobyerno.
Ayon kay PSC Chairman Butch Ramirez, binigyan ang Olympian ng allowance ngayong taon na nagkakahalagang P4.5 milyon, kasama ang buwan-buwang sweldo at food allowance ng kanyang coach na si Julius Kaiwen Gao.
“Hidilyn receives support from the PSC and the Philippine Air Force, being an enlisted personnel,” paglilinaw ni Ramirez.
Bukod dito, nakatatanggap din umano si Diaz ng suporta mula sa pribadong kumpanya gaya ng MVP Foundation at Alcantara and Sons.
Hinikayat naman ni Ramirez ang weightlifter na bumisita nang makapag-usap at malinaw ang mga bagay.