PBB housemate ‘pinalayas’ dahil sa rape joke

Screenshot via ABS-CBN PBB Otso

Tinanggal ang isang Pinoy Big Brother (PBB) housemate dahil sa kontrobersyal nitong rape joke.

Sa episode ng reality show noong Martes, inutusan ni ‘kuya’ si Banjo Dangalan na umalis sa kanyang bahay.

Maririnig sa bidyo ang hindi magandang biro ni Dangalan sa kapwa housemate na si Gino Roque IV.


Aniya, “siguro masarap itong katabi sa pagtulog.” 

Gusto niya din makipagpalit ng puwesto sa isa pang housemate at sinabing “pagsasamantalahan ko lang ito” habang tinuturo si Roque.

Dahil sa pangyayari, sinita ng mga babaeng housemates ang below the belt joke ni Dangalan. Agad siyang humingi ng paumanhin ngunit kalaunan pinatawag na siya sa confession room ni ‘kuya.’

Ayon kay Big Brother, dati na siyang binalaan dahil bigla nitong inaamoy ang buhok ng mga female housemates.

“Ang pananamantala sa kapwa, sa kahit anong konteksto ay hindi dapat ginagawang biro. At kailanman ay hindi ko maaring palagpasin ang mga ganitong klaseng biro sa loob ng aking bahay.” 

Dagdag pa nito, sumuway sa utos si Dangalan. Napaluha ang kalahok sa naging desisyon ni ‘kuya.’

“Ang mga salitang nakakababa ng pagkatao, lahi at pambabastos ay hindi papayagan sa loob ng Big Brother House.”

Bago lumabas sa bahay, paulit-ulit itong humingi ng tawad kay Roque at sa mga babaeng kasamahan.

“Sana matuto kayo dito”, payo ni Dangalan.

Kuwento ng 27 taong gulang na martial arts trainer, sumali ito sa PBB para ibahagi ang mga pinagdaanan sa buhay at makapagbigay saya sa pamamagitan ng mga biro.

Facebook Comments