Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, aaprubahan nila ngayon ang inihain niyang resolusyon at iba pang mga senador na nagbibigay parangal kay Hidilyn Diaz, na kauna-unahang Filipino na nakakuha ng gintong medalya sa Olympics.
Ayon kay Senador Lito Lapid, ang parangal ay pagkilala sa matinding hirap at sakripisyo na pinagdaanan niya para lamang maitaas ang bandila ng ating bansa sa Tokyo Olympics at sa bawat kompetisyon na kaniyang sinasalihan.
Para naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, tila binuhat din ni Diaz ang buong bansa mula sa matitinding problema at hamon na kinakaharap natin ngayon.
Sabi naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, ibinigay ni Hidilyn sa bansa ang national pride and honor at ang good news na kailangang kailangan natin ngayon.
Umaasa naman si Senator Pia Cayetano na susunod ang mga kabataang Pilipino sa yapak ni Diaz tungo sa tagumpay, pagsisikap, pagkakaroon ng dedikasyon, pananalig at pagiging matiyaga.
Itinuturing naman ni Senator Risa Hontiveros na liwanag sa gitna ng kadilimang hatid ng pandemya ang panalo ni Diaz.
Diin naman ni Senator Joel Villanueva, literal na binuhat ni Hidilyn ang sambayanang Pilipino, at sa isang iglap ay napawi ang matagal na uhaw ng ating bayan sa mailap na Olympic Gold Medal.
Ginarantiyahan naman ni Senator Sonny Angara na matatanggap ni Diaz ang insentibo ng gobyerno at mga coach nito batay sa National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Nagpasalamat din si Angara kay Diaz dahil matagumpay nitong naipakita sa buong mundo ang galing ng Pinoy.
Diin naman ni Committee on Sports Chairman Senator Christopher “Bong” Go, ang pagsisikap ni Diaz, disiplina at tagumpay ay nagbibigay inspirasyon sa ating lahat, lalo na sa mga kabataang nagnanais na maging atleta rin katulad nya.