“Hierarchy” sa pagbubukas ng mga pampublikong transportasyon, tinuligsa ng mga mambabatas; LTFRB – ipinabubuwag!

Isinusulong ngayon sa Kongreso ang pagpapawalang-bisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa harap ito ng nararanasang problema sa usapin ng transportasyon.

Giit ni Senior Citizens Party-List Rep. Francisco Datol Jr., hindi na kailangang magsagawa ng congressional investigation dahil bobolahin lang naman sila ng LTFRB kaya mainam na i-abolish na lamang ito.


Aniya, dapat na nauunawaan ng mga opisyal ng LTFRB ang daing ng mga driver ng traditional jeepneys at UV Express maging ng mga commuters.

Sa interview naman ng RMN Manila, umapela si Caloocan 2nd District Representative at House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman Edgar Erice na payagan nang makapamasada ang lahat ng uri ng public transport.

Giit ng mambabatas, sa halip na limitahan ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan, mga private vehicles ang dapat na kinokontrol.

“Sabi nila social distancing kaya may capacity lang, so dapat binuksan nila lahat para ma-accomodate lahat ng workers. 83% ng mga kawani walang sasakyan, pero walang limitasyon sa private vehicle. Kaya nagsikip ang trapiko sa EDSA, sa Commonwealth, private vehicles. Pero you can seldom see any public transport e ‘yun ang mas marami, ang pangangailangan sa public transport,” ani Erice.

Dagdag pa ng mambabatas, hindi napapanahon ang pagsusulong ngayon ng Jeepney Modernization Program.

“Nararamdaman ko na bina-back ride nila yung Jeepney Modernization Program. Papaano mo ngayon yan isusulong, P2.4 million to P2.5 million? Sinong matinong bangko ngayon ang magfi-finance niyan. So hindi dapat isabay ‘yan. Hayaan na muna natin yung the old system before COVID. Pagkatapos nitong problema saka na lang ‘yan isulong. Ang importatante ngayon may transport yung mga mamamayan, ang impornatante ngayon may hanapbuhay yung mga drivers,” dagdag pa ni Erice.

Una rito, kinuwestyon ng mga mambabatas ang naging pahayag ni LTFRB Martin Delgra na sinusunod nila ang “hierarchy” sa pagbubukas ng pampublikong transportasyon.

Facebook Comments