Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) National Headquarters na magsagawa ng high-level investigation sa nangyaring riot sa loob ng Caloocan City Jail na na ikinasawi ng anim Persons Deprived of Liberty (PDL) at pagkasugat ng 33 na iba pa.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, iniutos ni Secretary Eduardo Año kay BJMP Chief J/Dir. Allan Iral na bumuo ng special investigating team mula sa BJMP National Headquarters para alamin ang pinagmulan ng riot.
Ito’y upang matukoy kung sino ang nagpabaya, mga responsable at kung may nalabag na standard operating procedures at nang sa gayon ay makapagrekomenda ng interventions upang hindi na maulit ang insidente.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang kalihim sa mga pamilya ng mga nasawi.
Nangako ang DILG chief na iimbestighan ng ahensya ang pangyayari.