High Powered Firearms ng NPA, Nadiskubre sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Muling nakadiskubre ang mga sundalo ng 95th at 98th Infantry Battalion kasama ang kapulisan ng tatlong (3) matataas na kalibre ng baril sa bahagi ng Sitio Ditapaya, Barangay San Jose, San Mariano, Isabela noong ika-16 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Bunga ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng mga dating rebelde na sina Alyas Badi at Alyas Erick sa kasundaluhan, kung saan itinuro ng mga ito ang lugar na pinagtaguan ng mga teroristang grupo sa kanilang reserbang armas.

Tatlong M16 rifle na pagmamay-ari ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nakuha ng kasundaluhan at kapulisan sa lugar.


Kaugnay nito, hinikayat na rin nina Alyas Badi at Alyas Erik ang kanilang mga kapwa Former Rebels na isiwalat sa hanay ng kasundaluhan at kapulisan ang mga nalalaman nilang impormasyon hinggil sa mga itinatagong mga armas ng dati nilang inanibang grupo.

Sinabi ng dalawang rebel returnee na kailangang maipasakamay sa mga otoridad ang mga armas at iba pang mga gamit pandigma ng mga teroristang grupo upang wala na silang mabiktima.

Kamakailan lang, boluntaryong sumuko sa tropa ng pamahalaan sina Alyas Badi kasama ang kanyang asawa sa kilusan at ng kanyang pamangkin na dati ring miyembro ng teroristang grupo.

Isinuko rin ng mga ito ang tatlong M16 rifle at ilang mga gamit pandigma noong ika-12 ng Hulyo taong kasalukuyan sa bayan naman ng Palanan, Isabela.

Pinuri ni BGen Danilo D Benavides PA, Commander ng 502nd Infantry Brigade ang tropa ng 95th at 98th Battalion maging ang lokal na kapulisan sa kanilang patuloy na pagpupursige upang matuldukan ang kasamaang dulot ng insurhensiya sa buong lugar na sakop ng 5ID.

Pinasalamatan din ng heneral si alyas Badi sa kanyang kooperasyon sa tropa ng pamahalaan.

Nagpapasalamat din si MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga dating rebelde upang patunayan ang kanilang sinseridad sa pagbabalik loob sa pamahalaan.

Facebook Comments