HIGH VALUE DRUG TARGET SA REGION 2, NADAKMA NG AWTORIDAD

Cauayan City, Isabela- Nauwi sa isang hot pursuit operation ang ikinasang drug buy bust ng mga otoridad sa Lungsod ng Tuguegarao matapos magtangkang tumakas ng suspek.

Nakilala ang suspek na si Aegis Aldheim Banasaleo Catral, 25 na taong gulang, binata at residente ng Lecaros Ext. Ugac Sur, Tuguegarao City at natukoy ng PNP Cagayan na siya ay kabilang sa listahan ng mga High Value Target ng PNP at PDEA sa rehiyon dos dahil sa pagtutulak nito ng droga.

Ayon sa Cagayan Police Provincial Office (CPPO), naamoy ng suspek na pulis ang kanyang katransakyon sa ibinebenta nitong illegal na droga kaya agad itong tumakas lulan ang sasakyan na nagresulta sa isang hot pursuit operation.


Pero bago tumakas ang suspek, pinaputukan umano nito ang mga operatiba na tumama sa mismong sasakyan ng pulis.

Mula sa Gonzaga Ext., Centro 10, Tuguegarao City kung saan isinagawa ang naudlot na drug buy bust operation, naghabulan ang suspek at kapulisan hanggang sa Bonifacio St., Tuguegarao City.

Napilitang sumuko si Catral nang masukol na ito ng mga operatiba ng kapulisan, matapos masira ang gulong ng kanyang sasakyan dahil sa tama ng bala mula sa mga alagad ng batas.

Kinailangan pang basagin ng kapulisan ang gilid na windshield ng sasakyan para lamang mailabas ang suspek.

Nakuha ng mga operatiba mula sa suspek ang tatlong (3) plastic na may lamang pinaghihinalaang shabu na tinatayang aabot sa halagang P15,000.

Nakuha din sa pag-iingat ni Catral ang dalawang (2) uri ng Cal. 9mm na baril, isang (1) Taurus at isang (1) M1911, apat (4) na magazine ng baril na may mga bala, isang daang (100) piraso ng basyo ng bala, isang (1) granada, isang digital na timbangan, itim na sling bag at perang nagkakahalaga ng P6,320.

Napag-alaman din na si Catral ay pangalawang beses nang nadakip dahil sa droga.

Mahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek tulad ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, RA 10591 o Comprehensive Firearms Regulation Act at RA 9516 o ang Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunition or Explosive.

Facebook Comments