Manila, Philippines – Bilang tugon sa lumalalang trapiko sa kahabaan ng EDSA kasunod na rin ng papalapit na panahon ng kapaskuhan, muling ipinakalat ng Inter-agency Council for Traffic (I-ACT) ang mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (HPG) sa kahabaan ng EDSA partikular sa P. Tuazon hanggang Connecticut/White Plains sa lungsod ng Quezon.
Ang deployment ng HPG sa EDSA ay aprubado ng i-ACT member agencies kabilang ang Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay PNP-HPG Director Chief Supt. Arnel Escobal, ang mga tauhan ng HPG ay makakatuwang ng MMDA personnel para maibsan ang pagbibigat ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni MMDA General Manager at DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Tim Orbos, mayroon nang karagdagang 20 HPG personnel ang naka-deploy sa nasabing lugar at magtatalaga pa sila ng karagdagang 40 personnel sa mga natukoy na chokepoints sa EDSA.