Tatlong indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa Pangasinan na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit ₱80,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Sa Bayambang, unang naaresto ang isang magsasaka matapos magbenta ng shabu sa isang poseur-buyer.
Nakumpiska mula sa kanya ang tinatayang 2.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱19,000, kasama ang iba pang drug paraphernalia.
Sa Urbiztondo naman, isang lalaki ang natimbog matapos makuhanan ng 2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱13,600.
Narekober din ang isang cellphone, lighter, tricycle, at ₱500 na buy-bust money.
Samantala, isang 20-anyos na tricycle driver ang naaresto sa Lingayen matapos makuhanan ng 7 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱47,600.
Kasama rin sa mga nakuha ang cellphone, buy-bust money, at motorsiklo ng suspek.
Kasalukuyang nakapiit ang tatlong suspek at sasailalim sa inquest proceedings.
Sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.







