Natimbog ng pinagsanib pwersa ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Regional Intelligence Division, Regional Drug Enforcement Unit at Regional Special Operations Group ang isang lalakeng nahulihan ng mahigit sa ₱400-M halaga ng shabu.
Isinagawa ang buy-bust operation sa bahagi ng Brgy. San Felipe, San Fernando, Pampanga.
Sa nasabing operasyon, nahuli ang isang Hernani Loranya Cosumo, 31 years old at residente ng Brgy. Bagumbong, Caloocan City.
Nakumpiska ng mga otoridad mula kay Cosumo ang humigit kumulang 60kg ng shabu na may street value na ₱408-M, buy-bust money, cellphone, iba’t ibang identification card at dokumento at Hyundai Starex.
Ayon kay PNP-DEG Director PBGen. Randy Peralta, itu-turn over ang suspek pati ang mga nasamsam na ebidensya sa PNP-DEG NCR sa Camp Bagong Diwa sa Taguig para sa proper documentation and disposition habang inihahanda na rin ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act laban kay Cosumo.