Patuloy sa pagbibigay ng ayuda ang pamahalaan sa mga kababayan nating naapektuhan ng sama ng panahon nitong nakalipas na Pasko.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakapagbigay na ang gobyerno ng inisyal na P5.2 milyon sa mga apektadong residente.
Kabilang sa mga ipinamahagi ay ang family food packs, bottled water, sleeping kits, hygiene kits, hot meals, modular tent, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at iba pa.
Ayon pa sa NDRRMC, ang tulong ay naibigay sa mga apektadong indibidwal sa Regions 5, 8 at 9.
Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, nasa kabuuang 44,282 pamilya o katumbas ng mahigit 166,000 mga indibidwal ang naapektuhan ng sama ng panahon mula sa 385 na barangay sa anim na napuruhang rehiyon sa bansa.