HIGIT 1-M HALAGA NG GAMIT AT PERA, NATANGAY SA BAHAY NG ISANG NEGOSYANTE; SUSPEK ANG UMANO’Y GWARDYA NG PAMILYA

Nalimas ang nasa P1.5 milyong halaga ng mga alahas, gamit at pera matapos ang nangyaring panloloob sa bahay ng isang negosyante sa Barangay Malapat, Cordon, Isabela pasado alas-tres kaninang madaling araw, Oktubre 21, 2022.

Kinilala ang naturang negosyante na si Imelda Trajano.

Una rito, nagawa pang itali ng mga suspek ang kanyang kamay at paa.

Sa ibinahaging impormasyon ng Police Regional Office 2 (PRO 2), nasa mahigit limang daan pisong cash at mga alahas at iba’t ibang mga gamit kabilang ang tatlong mamahaling cellphone at isang 9mm Taurus 380 na baril ang matagumpay na natangay ng mga suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Cordon na pinasok ng mga suspek ang compound ng biktima gamit ang isang hagdan upang makapasok sa bintana ng bahay.

Base sa salaysay ng biktima, armado ng patalim ang mga kawatan kung kaya’t hindi na ito nakapalag noong iginapos siya para malayang maisakatuparan ng mga suspek ang krimen.

Pagkatapos malimas ang mga gamit at pera ng suspek ay agad na tumakas ang mga suspek.

Pasado alas 6:00 na ng umaga kanina nang dumulog ang ginang sa himpilan ng Cordon PNP upang ireport ang naturang pangyayari.

Ayon kay PMaj. Ferdinand Mallinllin, Chief of Police ng PNP Cordon, inside job ang tinitignang anggulo ng mga pulis sa nangyaring panloloob kung saan ang mismong gwardya ng bahay ng pamilya Trajano ang itinuturing na suspek dahil tila walang ginawa nang mangyari ang panloloob base sa kuha ng CCTV.

Ang naturang gwardya ay nasa Cordon Police Station para sa mas malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.

Kaugnay nito, pinayuhan ng mga otoridad ang publiko na maging alerto upang hindi mabiktima ng mga gumagalang grupo ng mga magnanakaw.

Facebook Comments