Target ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na buksan ang mahigit 100 dating ruta bago ang pormal na pagsisimula ng klase sa Agosto 22.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Cheloy Garafil, kailangan lamang mag-apply ng bagong prangkisa para muling makapasada sa mga dating ruta.
Aniya, naghihintay rin ang LTFRB sa pag-apruba ng rekomendasyong karagdagang mga bus sa EDSA Bus Carousel.
Dagdag pa ni Atty. Garafil, nasa dalawang linggo na lang ang hindi nababayaran sa mga bus operator na kabilang sa libreng sakay program ng pamahalaan.
Una nang siniguro ng Department of Transportation (DOTr) na sapat ang mga pampublikong sasakyan para sa mga estudyante sa harap ng planong pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Samantala, handa na rin ang Pasig River Ferry Service ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagdagsa ng mga estudyante sa pagbubukas ng klase.
Ayon sa MMDA, mula sa anim na ferry ay gagawin na itong siyam sa katapusan ng Agosto para mas marami ang ma-accommodate na mga estudyante.
Marami kasi sa mga sumasakay sa ferry service ay mga estudyante at nagtatrabaho sa mga paaralang sakop ng university belt.
Dagdag pa, may darating din na mga bagong ferry na ibinigay ng isang telecommunications company na may 150 seats at fully air-conditioned.
Kasunod nito, nanawagan ang MMDA sa mga pasahero na sumunod sa safety and health protocols at huwag kalimutan ang ID at vaccination card para makasakay.