Higit 100 Health Workers ng CHO Santiago, Target Bakunahan

Cauayan City, Isabela- Target na mabakunahan ang nasa 150 health workers ng City Health Office ng Santiago ngayong nagsimula na ang vaccination roll-out ng SINOVAC vaccine sa lungsod.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, lahat ng malalaking hospital sa siyudad ay nabigyan na rin ng inisyal na vaccine at nabakunahan na ang kani-kanilang mga health workers.

Bagama’t hindi pa naisasama sa mga babakunahan si Manalo dahil mas inuna ang ilang health care workers na nagbabantay sa mga quarantine facilities subalit pagsisiguro nito na sasailalim siya sa pagpapabakuna kapag dumating na ang karagdagan pang mga vaccine.


Ayon pa kay Dr. Manalo, halos nag-uunahan umano ang ilang private physician/consultant sa pagpapabakuna at lahat naman ay natutuwa na mabakunahan.

Kung dati-rati aniya ay ayaw ng iba ang SINOVAC vaccine pero tila nag-iba ang ihip ng hangin at gustong-gusto na ng mga ito ang magpabakuna gamit ang binansagang CORONAVAC ng China.

Samantala, kinakailangan lang dumaan sa health assessment ng mga otoridad ang mga nais pumasok sa lungsod maliban nalang sa mga magmumula sa kalakhang maynila na kailangang makapagpresenta ng kaukulang dokumento.

Facebook Comments